Sa isang phone interview kahapon kay Cris Puno, spokesman ng Basilan Crisis Management Committee, kinumpirma nito na dalawang hardcore na commander ng Abu Sayyaf na sina Isnilon Hapilon at Bakal kasama ang kanilang mga tauhan ang handang magbalik-loob sa pamahalaan at nangako na palalayain na rin ang tatlo pang hostages na sina American couple Martin at Gracia Burnham gayundin ang Filipina nurse na si Deborah Yap.
Ayon kay Puno sa kasalukuyan ay hindi pa bumabalik ang inutusan nilang emisaryo na nagtungo sa kuta nina Hapilon para asikasuhin ang kanilang pagsuko ng walang kapalit na ransom at anumang kondisyon.
"They said they will surrender without any ransom and release the hostages ", ani Puno.
Ipinalalagay ni Puno na nangangamba ang grupo ni Hapilon na silay tuluyang madurog sa pagpasok ng US troops sa Basilan kaugnay ng RP-US joint military exercise kayat nagdesisyon ang mga itong sumuko.
Una rito, kinumpirma ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan na ipinasa na ni ASG spokesman Abu Sabaya sa grupo ni Hapilon ang tatlong nabanggit na bihag bunga ng matinding military pressure gayundin ng gutom habang tinutugis ng puwersa ng militar.
Inaasahan naman ng Basilan local government na marami pang mga hardcore na lider ng ASG at mga tauhan nito ang nakatakdang sumuko dahilan sa tantiya at palagay ng mga ito ay sila ang tunay na pakay ng war games sa Basilan.
Inihayag rin ni Adan na nakatulong ng malaki sa operasyon laban sa mga top leaders ng ASG ang pinaiiral na reward system ng pamahalaan. (Ulat ni Joy Cantos )