Sa isang panayam, sinabi ni Boncodin na hindi naman mag-aalok ang Presidente ng pagkuha kay Giuliani bilang consultant kung wala siyang nalalamang mapagkukunan ng ibabayad dito.
Bagaman hindi pa nakakausap ng Presidente si Giuliani, sinabi niyang ang kakausap dito ay si RP Ambassador Alberto del Rosario.
Inaasahang tatalakayin ng Pangulo sa pulong ng Gabinete ang tungkol sa usaping ito.
Ipinaliwanag ni Boncodin na sa ilalim ng inaprubahang pambansang budget para sa taong 2002, may nakalaang P42 milyon para sa mga consultant.
Dito anya kinukuha ang pambayad sa serbisyo ng mga taga-payo ng Pangulo kasama na ang operational expenses.
"Ang bottom line niyan ay hindi ka lalampas doon sa aprubado ng Kongreso para sa General Appropriations Act," ani Boncodin.
Ang pahayag ay ginawa ni Boncodin matapos kumpirmahin ng Pangulo sa isang panayam na talagang intensiyon niyang hingin ang tulong ni Giuliani para maging peace and order consultant.
Ito ay matapos siyang payuhan ng International Board of Advisers.
Sinabi pa ni Boncodin na wala naman siyang nakikitang masama sa planong ito ng Pangulo kung ito ay makalulutas sa problema ng bansa laban sa Abu Sayyaf at sa kaayusan at katahimikan ng bansa. (Ulat ni Lilia Tolentino)