Ang nagbubunying mga domestic helpers ay kumakanta habang iwinawagayway ang pula at dilaw na streamers na may nakasulat na "Victory for Migrant Workers."
"Pinasasalamatan namin at tinatanaw na utang na loob ang pagbasura ng Hong Kong govt ng wage cut proposal," pahayag ni Connie Bragas-Regalado, chairman ng United Filipinos sa Hong Kong na siyang nag-organisa ng martsa.
Matatandaan na nagsama-sama ang mga domestic workers mula Phil., Indonesia, Nepal, Sri Lanka at Thailand upang tutulan ang planong pagtapyas sa kanilang sahod na umaabot sa 3,670 Hong Kong dollars o $4761.
Gayunman ay ipinahayag noong Huwebes na hindi na itutuloy ng pamahalaan ng Hong Kong ang pay cuts sa kabila ng dinaranas na recession ng mga lokal na employers ng mga dayuhang manggagawa.
Tinatayang umaabot ng hanggang 180,000 Filipino ang nasa Hong Kong ang umaasa sa kinikitang dolyar na ipinapadala sa kanilang mga mahal sa buhay at tinuturing na isa rin sa malaking kontribusyon para sa dollar reserved ng bansa. (Ulat ni Rose Tamayo)