Ayon kay Senador Blas Ople, hindi dapat balewalain ang kakayahan ng Pentagon dahil kapag nakapangalap ito ng malaking pera, tiyak na mamimili ito ng mga matataas na kalibre ng armas at lalong lalakas ang puwersa dahil magre-recruit ng mga tauhan.
Pinayuhan ni Ople, chairman ng Senate committee on foreign relations, ang AFP at PNP na kumilos habang maaga at kaunti pa lamang ang mga supporters dahilan sa tiyak na dudukot pa ito ng malalaking personalidad at dayuhan na siyang magbibigay ng higit na problema sa pamahalaan.
Batay sa talaan ng US State Department, kabilang na ang Pentagon na kasama ng Abu Sayyaf at New Peoples Army sa mga itinuturing na international terrorists na dapat buwagin upang hindi na lumala pa ang problema sa terorismo.
Ipinapalagay na nais ng Pentagon na sila ang pumalit sa Abu Sayyaf. Hindi anya manunumbalik ang kapayapaan sa Mindanao kung mayroon na namang bagong grupo ng mga bandido na susulpot kaya dapat na agapan ito habang maliit pa lamang.
Ang Pentagon batay sa pagsasaliksik ng mga intelligence agents ng pamahalaan ay mga tumiwalag umano sa Moro Islamic Liberation Front na nasangkot sa maraming kaso ng pagdukot. (Ulat ni Rudy Andal)