Kung ang isang basket of goods noong 1994 na nagkakahalaga lamang ng P100, ngayon ay P140 na ang halaga nito.
Base sa data ng National Statistics Office (NSO) kung saan ginamit ang taong 1994 bilang adjusted base year, naging mabilis ang pagbaba ng halaga ng piso sa pagitan lamang ng taong 2000 at 2001.
Noong taong 2000, ang real value ng piso ay 64 centavos at naging 60 centavos na lamang ito noong huling buwan ng 2001.
Sa nasabing data ng NSO, nabatid na ang piso ay nagkakahalaga ng 68 sentimo noong 1999; 70 sentimo noong 1998; 78 sentimo noong katapusan ng 1997; 88 sentimo noong katapusan ng 1996 at 90 sentimo noong huling buwan ng 1995.
Bunga nito, sinabi ni Catanduanes Rep. Joseph Santiago na dapat lamang na mabilisin din ng Kongreso ang pagpasa ng batas na magbibigay ng mas malaking tax breaks at mas malawak na coverage ng social security bilang non-wage benefits ng mga manggagawa.
Dapat rin anyang gumawa ng paraan ang Kongreso upang maitaas sa 100 porsiyento ang kasalukuyang P500 buwanang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na tinatanggap ng mga empleyado ng gobyerno.
Hanggang ngayon aniya ay hindi pa rin naibibigay ang hinihinging karagdagang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa gayong mayroon namang batayan ang kanilang kahilingan dahil na rin sa mabilis na pagbaba ng halaga ng piso. (Ulat ni Malou Escudero)