Sinabi ni Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, chairman ng nasabing komite na walang white wash na naganap sa pagbabasura ng kaso laban kay Sen. Cayetano bagkus ay ginamit ng komite ang lahat ng paraan upang makuha ang lahat ng tao na may kinalaman dito.
Ayon kay Pangilinan, pawang "hearsay" lamang ang mga akusasyon nina Atty. Crispin Remulla at Ronald Lumbao ng Peoples Movement Against Poverty (PMAP) na ginamit ni Cayetano ang kanyang puwesto bilang senador upang makakuha ng shares sa BW ni Dante Tan.
Wika ni Pangilinan, dalawang beses nilang pinadalhan ng subpoena si Tan sa kanyang huling address subalit hindi ito nakasipot sa anumang pagdinig sa Senado at maging ang mahahalagang tao na dapat magbigay linaw hinggil sa isyu ay hindi sumipot sa pagdinig ng komite.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na wala na silang magagawa kundi desisyunan ang nasabing kaso matapos magsumite ng kanyang panig si Cayetano kaugnay sa isyu samantala nabigo naman sina Remulla at Lumbao na patunayan ang kanilang akusasyon. (Ulat ni Rudy Andal)