Sa report ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard, kinilala ang mga namatay na sina Nilo Mercado, 41; Santos Aranger, 72; Carmencita Batido, 40; Paturiza Baltazar, 72; Luisa Lucay-lucay, 60; isang babae at dalawang lalaki na pawang di pa nakikilala.
Sa sketchy report na nakarating sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga.
Nabatid na low tide kaya hindi makapasok ang barkong M/V Island Express V mula Bantayan patungong San Remigio sa Pier kaya sinubukang ilipat nito ang kanilang mga pasahero sa kanilang service boat.
Base sa report, kasalukuyang naglalayag ang service boat nang sa di malamang kadahilanan ay bigla na lamang nabangga ang nakasalubong nitong MBCDA Dondon G, isang bangkang pangisda.
Mabilis umanong lumubog ang barko at nalunod ang mga biktima, habang ang mga sugatan ay isinugod sa Veraldo Hospital sa kalapit na bayan ng Bogo.
Napag-alaman na 412 katao ang puwedeng sumakay sa barko at kabilang sa iniulat na mga pasahero ay walong sanggol. Di pa matiyak kung ilan ang nasawi o nasugatan sa fishing boat.
Sa inisyal na imbestigasyon, "human error" umano ang sanhi ng trahedya matapos na mamiskalkula ng kapitan ng barko ang pagmamaniobra nito bunsod para mabangga nito ang kasalubong na bangkang pangisda na naglalayag rin sa nasabing karagatan.
Wala rin naman umanong masamang lagay ng panahon ng maganap ang panibagong trahedya.
Sinisiyasat rin ng mga imbestigador kung totoo na lasing ang kapitan ng barko kaya nabangga ang barko.
Nabatid pa na 45 minuto lamang ang pagbibiyahe ng service boat mula sa Bantayan island para makarating sa Hugnaya.
Patuloy naman ang isinasagawang paggalugad ng magkasanib na rescue teams ng Phil. Navy, Coast Guard at mga elemento ng AFP Visayas Command para masagip ang nawawala pang mga pasahero sa karagatan ng Hugnaya. (Ulat nina Joy Cantos at Ellen Fernando)