Ito ang ideneklara ng mga nagprotestang manggagawang Filipino sa Hong Kong matapos pumabor umano ang Pangulong Gloria Macapagal - Arroyo sa katamtamang pagbabawas sa sahod lalo na ng mga domestic helpers sa naturang bansa.
Ayon sa samahanang MIGRANTE, nakipag-compromise daw ang Pangulo sa gobyerno nang Hong Kong matapos pumayag sa wage cut na 20 %.
Pagsira daw ito sa naunang katiyakan na binitawan kamakailan ni Pangulong Arroyo na hindi niya pababayaan at bibigyan ng pansin ang problemang ito ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na kung saan ay inatasan pa nito si Labor Secretary Patricia Sto.Tomas na makipagnegosasyon sa pamahalaang administratibo sa Hong Kong sa suliranin na kinakaharap ng mga Pinoy workers.
Nagtataka ang MIGRANTE kung bakit naiba ang ihip ng hangin at hindi na umano ipinaglaban ni Pangulong Arroyo ang mga Pinoy workers ang apela nito kay Education and Manpower Secretary Fanny Law na huwag nang bawasan ang minimum wage ng mga domestic helpers dahil sa magiging kawawa ang kanilang pamilya na umaasa sa pinapadalang pera sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ang Pilipinas ay isa sa apat na bansa tulad ng Thailand, Indonesia at Nepal na dumedepensa sa sahod ng domestic helpers sa Hong Kong government na huwag ipatupad ang wage cut.
Umaabot sa 67 porsiyento o may kabuuang 155,330 ang mga OFWs ang nagtatrabaho sa Hong Kong kaysa sa Indonesia na may bilang na 66,970; Thailand, 6,940 at iba pang bansa na may bilang na 3,870.
Ang mga domestic workers dito ay tumatanggap lamang ng sahod na HK$ 3,670 o US$ 471 kada buwan.
Una nang nagbawas ng 5 porsiyentong sahod para sa mga domestic helpers ang Hong Kong noong 1999. (Ulat ni Rose Tamayo)