Sinabi ni Oreta na higit na dapat na unahin ng sports officials ay ang pagsasaayos ng kapakanan ng mga atleta na siyang inaasahan ng bansa na siyang magbibigay ng karangalan.
Ayon kay Oreta, lalo lamang magugulo ang mga atleta at malilito kung sino ang kanilang susundin dahil sa tiyak na darami ang papapel at mahahati ang atensiyon sa kanilang training bago masabak sa kumpetisyon.
Tanging ang kailangan lamang ng mga sports officials ay magkaroon ng hatian sa kanilang trabaho at hindi pakialaman ang isat isa kasabay ng pagkakaroon ng pagkakasundo upang sa gayon ay maiwasan lamang ang hindi pagkakaunawaan.
Nauna rito, iminungkahi ni Bacolod Representative Monico Puentebella ang pagbuo ng DoS upang mapondohan ng pamahalaan na siyang tutugon sa mga pangangailangan ng mga atleta.
Bukod anya sa hindi napapanahon, marami anyang magagawa ang mga opisyal na makahanap ng mga sponsors na siyang tutulong sa pagtataguyod ng mga kailangan ng mga atleta.
Malaki na anya ang nai-ambag ng -Bureau of Physical Education and School Sports (BPESS), isa sa mga line departments ng Department of Education Culture and Sports (DECS) na siyang tutulong ng husto upang hubugin ang mga atleta. (Ulat ni Rudy Andal)