Erap kay GMA: Bakit ako?

‘‘Bakit ako? Hindi ko naman supporter si Linda Olaguer-Montayre. Hindi ko naman kapanalig ang Sanlakas at Bayan?’’

Ito ang patanong na reaksiyon ng dating Pangulong Estrada sa akusasyon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ang mga loyalistang kapanalig ni Erap ang siyang nasa likod ng mga kontrobersiyal na akusasyon laban sa kanyang administrasyon para panghinain ang gobyerno.

Si Montayre, secretary general ng People’s Consultative Assembly na sumuporta sa EDSA II ang siyang nag-akusa na diumano’y ang Presidente at ang kanyang kabiyak na si Atty. Jose Miguel Arroyo ay humihingi ng P20 bilyong komisyon sa coco levy compromised agreement.

Ang Sanlakas at Bayan ay mga militanteng grupo na sumuporta rin sa EDSA II ay nagdaraos ng mga rally at pumupuna sa mga patakaran ng administrasyong Arroyo.

Sinabi ni Estrada sa mga mamamahayag na kung ang kontrobersiya naman sa telecom deal ang maaaring hinihinala ni Arroyo na kagagawan ng kanyang mga tagasuporta para sirain ang kanyang administrasyon nilinaw niyang wala rin siyang pakialam dito dahil ni hindi naman niya kakilala si Pacifico Marcelo na humaharap ngayon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Samantala, malabong siputin ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga alegasyon ni Marcelo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na malaki ang paniniwala ng Malacañang na pawang kasinungalingan ang mga alegasyon ni Marcelo na napatunayan sa idinaos na hearing .

Naniniwala ang Malacañang na ang pagpipilit na dumalo sa Presidente sa pagdinig ng komite ay isang hakbang upang hiyain ito. (Lilia A. Tolentino/Ely Saludar)

Show comments