Erap puwede nang mag-paopera sa mata

Pinayagan na kahapon ng Sandiganbayan na makapagpagamot ng kanyang mata si dating Pangulong Estrada, subalit hindi sa Amerika kundi dito lamang sa Pilipinas isasagawa ang operasyon.

Nakasaad sa resolusyon na bago operahan si Estrada ay dapat munang magsumite ng kinakailangang motion ang mga abogado nito upang ipaalam sa prosecution ang isasagawang operasyon kung kinakailangan.

Sa medical summary na isinumite ni Dr. Amadeo Veloso, ophtalmologist ni Estrada, isasailalim sa post-operative evaluation si Estrada bago isagawa ang cataract surgery.

Ang comprehensive examination ay kapapalooban ng potential acuity meter testing at corneal topography.

Inaasahang ala-una ngayong hapon ay ilalabas sa Veterans Memorial Medical Center ang dating pangulo at dadalhin ito sa Asian Eye Institute sa Makati City upang maipasuri ang kanyang mata.

Pinayagan ng korte si Estrada na manatili sa AEI ngayong buong maghapon hanggang sa matapos ang mga medical procedures na isasagawa sa kanya. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments