Ayon kay Dr. Elsie Reynosa Floresca, dermatopathology ng St. Lukes Medical Center Quezon City, maaaring magpasalin-salin at magkaroon ng AIDS at hepatitis ang mga nagpapalinis ng kuko sa paa at kamay ang sinuman kayat kailangan ang ibayong pag-iingat ng bawat isa.
Binigyang diin ni Floresca na ang pagkakaroon ng virus ng isang tao mula sa pedicure at manicure ay naililipat sa isang tao, kapag nagdugo ang kuko dahil sa paglilinis ng mga manikurista.
Hindi naman natin alam kung kanino ginagamit yung equipment sa manicure like yung pusher o nipper baka ginamit iyun sa taong may AIDS o hepa kaya kapag ginamit naman sa isa pang tao yung equipment na galing dun sa may sakit at nag-bleed yung paa mo o kamay mo, maaaring pumasok dito ang anumang virus na nasa equipment pahayag ni Floresca.
Sinabi pa nito na mabilis ang pagkalat ng naturang virus dahil hindi naman nababanlian o nai-sterilize yung mga gamit sa pedicure at manicure.
Hinikayat ni Floresca ang publiko na kung magpapalinis ng mga kuko sa paa at kamay ay kailangang magdala ito ng sariling mga gamit para hindi mahawa sa anumang uri sa sakit na taglay ng mga taong may sakit.
Tumaas din anya sa kasalukuyan ang kaso ng mga taong may sakit sa balat bunsod na rin ng kapabayaan ng marami.
Hindi anya dapat ipagwalang-bahala ang anumang sakit na mararamdaman at makikita sa balat dahil maaari itong lumala kapag pinabayaan na lamang. (Ulat ni Angie dela Cruz)