Ayon kay Bohol Rep. Edgardo Chato sa kanyang House Bill 2034, makakatulong ng malaki sa mga buntis na gumagamit ng sasakyan ang pagkakaroon ng nakareserbang parking space para sa kanila.
Sinabi pa ni Chato na hindi lamang mga nakareserbang parking space ang dapat na ipagkaloob sa mga buntis kundi maging mga seating space o upuan lalo sa mga pampublikong sasakyan.
Dapat umanong ipakita ng pamahalaan sa mga nagdadalantao na mahalaga sa gobyerno ang kapakanan ng mga ina lalo na sa loob ng 9 na buwan ng kanilang maselang kalagayan.
Sa sandaling maging isang batas, aatasan ng pamahalaan ang lahat ng public at private buildings katulad ng mga educational institutions, airports, sports and recreation centers, shopping centers, workplaces, at iba pang public utilities na maglaan ng parking at seating space para sa mga buntis.
Ayon pa kay Chato, hindi na rin dapat tumayo sa loob ng mga sasakyan ang mga buntis dahil uutusan ng pamahalaan ang lahat ng public transportation na maglaan ng upuan para sa mga ito.
Ang sinumang mapapatunayang lalabag sa nasabing panukala sa sandaling maging isang batas ay pagmumultahin ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang buwan subalit hindi lalampas sa isang taon at multang P10,000 hanggang P20,000. (Ulat ni Malou Rongalerios)