Sa isinumiteng report sa Camp Crame ni Police Regional Office (PRO)1 director Chief Supt. Arturo Lomibao, kinilala ang biktima na si Judge Ariston Rubio ng Batac Regional Trial Court branch 17.
Ayon sa report, dakong alas-9 ng umaga ay papuntang opisina si Rubio sakay ng kanyang service vehicle at binabagtas ang kahabaan ng Bgy. Magnuag, bayan ng Batac ng pagbabarilin ng mga suspek na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas.
Matapos ang ginawang pananambang ay isa-isang tumakas sa magkakahiwalay na direksiyon ang hindi mabatid na bilang ng mga salarin na pawang lulan ng motorsiklo.
Idineklara namang dead on arrival sa Don Mariano Marcos Hospital ang biktima.
Nakarekober ang mga pulis ng 10 basyo ng bala ng carbin rifle.
Ayon kay PNP Chief Director Gen. Leandro Mendoza, bagaman hindi ibinabasura na NPA ang may kagagawan ng krimen at sinisilip pa rin nila ang iba pang anggulo gaya ng pulitika.
Napag-alaman na may hinahawakan na malaking kaso si Rubio hinggil sa election protest ng ilang kandidato na natalo nitong nakaraang May elections.
Ang pagkamatay ni Judge Rubio ay ikatlo sa mga matataas na opisyal ng gobyerno ang napaslang sa buwang ito.
Magugunita na naunang tinambangan ng NPA sina Supt. Arturo Pabustan, PNP-Tarlac Mobile Group chief at Mabitac, Laguna Mayor Bernardo Sarayot kasama ang dalawa pang iba nitong nakaraang Lunes sa magkahiwalay na insidente sa Capaz, Tarlac at Teresa, Rizal.(Ulat nina Joy Cantos,Myds Supnad at Teddy Molina)