Dahil dito sinisi ni Sandigan Presiding Justice Francis Garchitorena si Ombudsman Aniano Desierto sakali mang mawalan ng saysay ang kasong perjury na isinampa ng pamahalaan laban kay Estrada.
Ayon kay Garchitorena, masyadong nagmadali ang Ombudsman sa pagsasampa ng kaso laban kay Estrada kaya maraming palpak sa kasong perjury na kinakaharap ng dating pangulo.
Sinabi pa ni Garchitorena na hindi dapat sisihin ng Ombudsman ang kanyang dibisyon dahil hindi naman malinaw kung ano ang ibinibintang nila sa dating pangulo.
"Mawalang galang na kay Ombudsman Desierto, nawawalan ako ng tiwala sa sinasabi ni Ombudsman dahil hindi niya pinag-aaralan ang kaso," wika ni Garchitorena.
Matatandaang nakapuntos ang defense panel matapos ibasura ng First Division ang presentasyon ng prosecution bunga ng teknikalidad sa mga ebidensiyang isinumite.
Ikinatuwiran ng anti-graft court na wala sa orihinal na complaint ang mga documentary evidence na iniharap ng prosecution.
Idiniin pa ni Garchitorena na noon pa sinabi ng mga mahistrado ng First Division na may mali sa isinumiteng reklamo ng Ombudsman laban sa dating pangulo.
Kasabay nito, magsasampa ng kasong sibil sa QC Regional Trial Court ang mga abogado ni Estrada laban sa Ombudsman dahil naperwisyo umano ang kanilang kliyente gayong walang basehan ang kasong perjury na isinampa dito.
Sinabi ni Atty. Raymond Fortun, isa sa mga abogado ni Erap na maliwanag umano na walang saysay ang kaso at dapat lamang managot ang Ombudsman sa kanilang naging pagkakamali. (Ulat nina Malou Rongalerios/Ely Saludar)