2 Kano pupugutan na ng Sayyaf

Muling nagbanta kahapon ang bandidong grupo ng Abu Sayyaf na pupugutan na nila ang bihag nilang mag-asawang Amerikano kung hindi makikipagnegosasyon si Pangulong Arroyo sa kanila at ititigil ang ginagawang opensiba ng militar laban sa mga teroristang rebelde.

Sa panibagong pagsasalita kahapon ni ASG spokesman Abu Sabaya sa RMN radio, sinabi nito na kung gusto ni Pangulong Arroyo na maging matagumpay ang nakatakda nitong pagbisita sa America, dapat muna nitong pahintuin ang military rescue operation dahil kung magpapatuloy ito ay kasama niya sa pagpunta sa US ang mga bangkay nina Martin at Gracia Burnham at magiging kahiya-hiya anya ang Pangulo kapag nangyari ito.

Hiniling ni Sabaya na makipag-usap sa kanila ang Pangulo at paalisin ang tropa ng militar sa Sampinit complex sa Basilan kung saan natuklasang nagtatago ang mga bandido kasama ang nalalabi pang 10 bihag.

Wala namang planong makipag-negosasyon ang pamahalaan sa mga bandido kasabay ng paninindigan ng Malacañang na mananatili ang military operation hanggat hindi napapalaya ang mga bihag.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, walang balak ang gobyerno na makipag-usap sa mga mamamatay-tao, rapists at mga teroristang tulad ng bandidong Abu Sayayf.

Sinabi ni Adan na magiging katawa-tawa ang bansa sa buong mundo kung pagbibigyan ng pamahalaan ang panawagan at banta ng mga teroristang Abu Sayyaf para sa negosasyon. Psywar lamang umano ito para lubayan sila ng mga operatiba ng militar.

Maraming beses na umanong binigyan ng pagkakataon ng gobyerno ang negosasyon pero sinayang ng bandidong grupo.

"We sent emissaries before but they ignored them. Now that we are nearing to accomplish our mission, they ask for a negotiation. These are murderers, rapists and terrorists and they have caused so much damage to our country. There should be no conditions," maring giit ni Adan.

Sinabi ni Adan na bagamat ang kaligtasan ng mga bihag ang pangunahing hangarin ng mga operatiba ng pamahalaan ay hindi yuyukod ang puwersa ng pamahalaan sa grupo ng mga teroristang Sayyaf na walang ginawa kundi linlangin ang gobyerno.

"Our mission remains to rescue the hostages and neutralized the Abu Sayyaf bandits," giit ni Adan.

Kahapon ay narinig din sa kauna-unahang pagkakataon ang tinig ng mag-asawang Burnham na nagsasabing sila’y buhay at maayos. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)

Show comments