Sa inisyal na ulat na natanggap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kinilala ang dalawa sa apat na Pinoy na sugatan na sina Richard dela Rosa, 33, security guard at Diosdado Baylona, 37, kusinero na pawang namamasukan sa Sunset Beach Resort sa Al Khobar. Napinsala ang eardrums ng dalawa dulot ng matinding pagsabog sa King Khaled street.
Samantala, hindi pa nakikilala ang nasawing Pinoy dahil sa sunog na sunog ang buong katawan nito bunga ng pagsabog. Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng dalawa pang sugatan.
Nagpahayag naman si Department of Foreign Affairs spokesman Victoriano Lecaros na wala umanong indikasyon na ang pagpapasabog ay bahagi ng pagganti ng isinagawang pag-atake ng US sa Afghanistan.
Pinagpapasyahan na ngayon ng DFA na ilikas na ang mga OFWs na nasa siyam na bansang kalapit ng Pakistan kung saan ay pinasimulan na nila ang planong pagpapauwi sa may 500 Filipino rito sa kabila ng pagtanggi ng may 200 estudyante na naninirahan doon.
Kabilang sa mga bansang pakay ng repatriation operation ng OWWA at DFA ang Israel, Yemen, Egypt, Iran, Iraq, Libya, Pakistan at mga kalapit na bansa sa Saudi Arabia. (Ulat nina Andi Garcia/Rose Tamayo)