Cellphone gang durugin na! - GMA

Ipinadudurog na ni Pangulong Arroyo ang sindikato ng pagnanakaw ng cellphone na ngayon ay talamak na sa Metro Manila at naglalagay sa panganib sa buhay ng mga mamamayan.

Sa kanyang pagdalo sa National Consultative Conference on Peace and Order kahapon, binigyan ng ultimatum ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) na tapusin na ang lumalalang cellphone theft, parusahan at ikulong ang mga magnanakaw.

"Sobra na, tapusin na natin ang hanapbuhay ng negosyanteng ang raket ay bumili ng nakaw na cellphone na karamihan ang nabibiktima ay mga kababaihan at kabataang estudyante," pahayag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, ang isang krimen na lumalala araw-araw sa Kamaynilaan ay ang cellphone theft.

"Maraming uri ng cellphone thieves. May nagpupunta sa opisina para nakawin ang cellphones ng empleyado. May ibang nagnanakaw ng cellphone sa mga biktima. Ang iba ay nanunutok para makuha ang mobile phone. Marami nang nasaktan, ang iba ay napatay dahil sa pagnanakaw ng cellphone," wika ng Pangulo.

Sinabi rin ng Presidente na base sa isang report ng PNP, 500 cellphones ang natatangay o ninanakaw bawat buwan sa Metro Manila.

"Let’s give peace to cellphone owners, many of whom are women and the youths," sabi ng Pangulo kasabay ng utos sa PNP na bumuo ng isang grupo na ang trabaho ay tapusin o bawasan ang nakawan ng cellphone. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments