Sinabi ng Pangulo na ang nangyari sa Social Security System na pagpapaalis sa puwesto kay Nañagas ay hindi na dapat pang maulit at gayahin ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Hindi anya dapat maipagkamali na ang pagiging sensitibo ng kanyang administrasyon sa damdamin ng nakararami sa kaso ng SSS ay gagawing sangkalan para sa tinatawag na "mob rule."
Naghayag naman ng kasiyahan ang Pangulo dahil nanumbalik na sa normal ang operasyon ng SSS.
Sa panig naman ng SSS management, dahil sa nabalam na operasyon sa nakalipas na ilang araw bunsod ng ginawang pag-aaklas ng mga empleyado, bukas ang lahat ng sangay ng SSS sa buong bansa ngayong araw ng Sabado at Linggo bilang bayad ng mga kawani sa naapektuhang mga claimants.
Simula sa alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ay magseserbisyo sila sa milyong miyembro nito na ang ibat ibang transaksiyon sa SSS tulad ng salary loans at iba pang benepisyo ay hindi naaksiyunan bunga na rin ng demonstrasyon. (Ulat nina Lilia Tolentino at Angie dela Cruz)