Ipinababasura ng isang mambabatas ang pagkuha ng permiso sa pagdala ng baril o permit to carry firearms dahil hindi na umano ito napapanahon.
Ayon kay Biliran Rep. Gerardo Espina, napakaraming batas ngayon ang nagpapahirap lamang sa ibat-ibang sektor ng lipunan katulad ng mga pagkuha ng permiso para makapagdala ng baril.
Hindi umano makatwiran para sa isang tao na binigyan ng permiso na magkaroon ng baril, subalit pinagbabawalan naman na ito ay dalhin sa labas ng kanyang tahanan.
"Its illogical to provide separate and different requirements for both the privilege to possess a firearms and the privilege to keep and carry the same," ani Espina.
Ang pagkuha umano ng permit to carry firearms ay isa lamang sa napakaraming proseso sa pamahalaan na pinagmumulan ng red tape.
Ang bawat aplikante na nais magkaroon ng permisong mag may-ari ng baril at madala ito sa labas ng kanilang tahanan ay hindi dapat bumaba sa 25 taong gulang at dapat kumuha ng gun handling at safeguards seminars.
Kailangan ding pumasa sa neuro-psycho test ang aplikante upang masiguro na hindi nito basta-basta gagamitin ang dala-dalang baril. (Ulat ni Malou Rongalerios)