Ang gagawing arraignment ay matapos ibasura kahapon ni First Division chairman presiding Justice Francis Garchitorena ang inihaing mosyon ng PNP na gawin ang arraignment at paglilitis kay Estrada sa Veterans Memorial Medical Center.
Sa isang open court hearing, sinabi ni Garchitorena na siyang humawak sa kasong perjury, na walang balidong rason ang PNP para ilipat ang paglilitis sa Veterans hospital.
Inamin ni Garchitorena na talagang mahirap hawakan ang kaso ng isang popular na personalidad na katulad ni Estrada lalo na at kung ang pagbabatayan ay ang pagbibigay ng seguridad.
Subalit, dapat umanong matagal nang pinaghandaan ng PNP ang nakatakdang paglilitis simula pa noong sampahan ng ibat ibang kaso ng katiwalian ang dating pangulo.
Sinabi naman ni P/Sr. Supt. Atty. Dorotheo Reyes, hepe ng PNP Legal Services sa korte na ang paglilipat ng corruption trial ni Estrada ang magliligtas sa Arroyo government mula sa tangkang kudeta ng mga anti-government groups.
Magugunitang pormal na inihain ng PNP ang dalawang pahinang urgent motion sa First at Third Division ng Sandigan noong Lunes na humihiling na gawin sa VMMC ang arraignment at trial ng kaso dahil sa assassination plot laban sa dating presidente.
Ito ang naging basehan kamakalawa ng Third Division para ipagpaliban ang nakatakda sanang arraignment ngayong araw na ito ni Estrada para sa mga kasong illegal use of alias at plunder o pandarambong, at iniurong sa Hulyo 27.
Binigyan naman ng pagkakataon ni Garchitorena ang PNP hanggang ngayong umaga para maghain ng motion for reconsideration sa hiling na sa Veterans hospital gawin ang paglilitis ng kaso.
Ang perjury case ni Estrada ay nag-ugat sa hindi umano tamang pagdedeklara nito ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SAL) noong 1999. (Ulat nina Malou Rongalerios/Grace Amargo)