Mga sasakyang model 1985 pababa kikilatisin ng LTO

Dadaan sa butas ng karayom ang lahat ng mga sasakyang may modelong 1985 pababa, batay sa pahayag ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO Chief Edgardo Abenina, numero unong pinagmumulan ng polusyon sa Metro Manila ang mga luma at bulok na mga sasakyan kaya’t masusing bubusisiin sa inspeksiyon ang lahat ng mga sasakyan na irerehistro para hindi na ito makadagdag pa sa maruming usok sa kalakhang Maynila.

Katulong ng LTO sa programa laban sa mga smoke belchers ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Nabatid na malamang na tamaan ng proyektong ito ang mga dating Gemini taxi na nai-phase-out na ng Land Transportation Franchising Regulatory Board na kasalukuyang ginawang mga private na sasakyan.

Gayunman, sinabi ni Abenina na kung nasa "good condition" naman ang sasakyan at hindi nagbubuga ng maruming usok at nakapasa sa smoke-belching test, kahit matagal na modelo na ang sasakyan, maaari nila itong irehistro.

Subalit may kondisyon dito. Kailangan ang sasakyang ganito ay buwanang ipapa-check-up sa LTO Motor Vehicle Inspection Section (MVIS) para makita ang kondisyon ng sasakyan. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments