Ayon kay Lina, natunugan ng pamahalaan ang isang intelligence report na mayroong grupo ang nagpaplanong ilikida si Estrada habang ibinibiyahe ito mula sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) patungong anti-graft court. Bagaman natukoy na nila ang grupong may planong gumawa ng asasinasyon ay tumangging pangalanan ang mga ito.
Nakasaad sa intelligence report na sa oras na dumalo si Estrada sa kanyang hearing sa Sandigan ay dito siya itutumba, pero binanggit pa na may isa pang grupo na kaalyado ng dating Pangulo ang sasagip dito mula sa kanyang mga assassins.
Dahil sa senaryong ito, iminungkahi ni Lina na ganapin na lamang sa loob ng VMMC ang pagdinig sa kaso ni Estrada at anak nitong si Jinggoy para masiguro ang kaligtasan ng mag-ama.
Ang ruta patungong Sandigan mula sa Veterans ay napakaganda umanong target sa mga supporter at kaaway ni Estrada para isakatuparan ang kanilang plot na ibagsak ang Arroyo administration.
Bunga nito, inatasan ni Lina si PNP director General Leandro Mendoza na magpakalat ng mga tauhan para sa pagbibigay ng seguridad sa dating Pangulo at anak nitong si Jinggoy na ngayon ay pansamantalang nakakalaya matapos bigyan ng 5-araw na kalayaan ng Sandigan sa layuning isaayos ang mga papeles sa munisipyo ng San Juan para sa pagsasalin ng kanyang puwesto sa kapatid nitong si Mayor-elect JV Ejercito. (Ulat ni Rudy Andal)