Nagtungo na sa Zamboanga City si Singson kasama si PNP chief director Gen. Leandro Mendoza para makipag-ugnayan sa isang emisaryo mula sa ASG na magsasaayos sa pagsuko ng grupo ni Robot.
Ayon kay Singson, ang isinasagawang military operations ng pamahalaan sa Sulu laban sa kanila ang dahilan ng pagkabalam ng kanyang matagal nang planong pagsuko. Pinakamatagal na umano ang dalawang linggo sa pagsuko ni Robot.
"Robot is willing to surrender even before the Palawan hostage crisis. Hinihiling niya na bigyan siya ng hustisya at due process dahil kung maganda umano ang treatment sa kanya ay susunod ang 17 sub-commanders niya pati na rin sina Abu Sabaya at Khadaffy Janjalani," pahayag ni Singson.
Itinanggi rin umano ni Robot na sangkot siya sa pinakahuling pambibihag sa Dos Palmas resort. Tanging ang grupo umano nina Sabaya at Janjalani ang nagplano no’n.
Naniniwala naman ang Malakanyang na matatapos na ang pangingidnap ng Abu Sayyaf sa sandaling makasuko na sa pamahalaan sina Robot at Sajiron.
Pinag-aaralan na ng mga abogado ng pamahalaan ang mga kaso laban kay Robot na inakusahan ng panggagahasa ng ilang babaeng biktima ng pambibihag ng kanilang grupo.
Sa pagsuko nina Robot at Sajiron, inaasahang mapagkakalooban si Singson ng P10 milyon bilang gantimpala sa walang kundisyong pagsuko ng dalawang lider ng ASG.
Magugunitang si Robot ang aktibong nakikipagnegosasyon sa pangkat ni dating Presidential Adviser on Flagship Projects Robert Aventajado para sa pagpapalaya ng Sipadan hostages. (Ulat nina Rose Tamayo, Joy Cantos, Rudy Andal at Lilia Tolentino)