Sa mensahe ng Pangulo, sinabi nito na ang pagsasabatas ng Republic Act 9136 (Power Reform Sector Bill o Electric Industry Act) ay patunay lamang na higit na produktibo ang paggamot sa sugat ng bansa kaysa pagpapa-iral ng galit.
Bukod sa inaasahang pagbaba ng presyo ng kuryente, idinagdag ng Pangulo na ang pagpapatibay ng RA 9136 ang siyang magiging daan para matigil na ang taunang subsidiyang P38 bilyon na ibinibigay ng gobyerno.
Hindi pa man napapatupad ang nasabing batas ay inatasan na ni Arroyo si Energy Secretary Vicente Perez na magsagawa ng public hearing o pakikipag-dayalogo sa publiko para alamin kung may mga probisyon ang dapat na susugan at maamyendahan para na rin sa proteksyon ng mga consumers.
Bukod sa nasabing batas, kasabay na nilagdaan ng Pangulo ang pagsasabatas ng RA 9173 o Supplemental Appropriations para sa taong 2001 na naglalaan ng P10.9 bilyon para sa operasyon ng mga ahensya ng gobyerno.
Ang supplemental budget ay gagamitin sa 5% pagtataas ng sahod; ang ikalawang hulugang umento sa sahod ng mga miyembro ng Philippine National Police, pagtataas sa pensyon ng mga beterano at pagdaragdag sa health insurance at benipisyo sa pagreretiro ng mga kawani ng pamahalaan.
Ang paglagda sa dalawang batas ay sinaksihan nina House Speaker Feliciano Belmonte na bagong halal na Alkalde sa lungsod ng Quezon at Senate President Aquilino Pimentel. (Ulat ni Lilia Tolentino)