Appointees ni Gloria dadaan sa butas ng karayom

Dadaan sa butas ng karayom sa Commission on Appointments (CA) ang mga appointees ni Pangulong Arroyo.

Ito ang naging pagbabanta ng mga oposisyong senador kung saan partikular na tinukoy ng mga ito si Justice Secretary Hernando Perez.

Ayon sa mga senador, kailangan na ipakita ni Perez na kaya niya ang kanyang posisyon bilang kalihim ng DOJ lalu na kung may mga kontrobersiyal na kasong iniimbestigahan ang pamahalaan.

Iginiit ng mga oposisyon senators na kadalasang nagpapa-"pogi points" lamang si Perez para makalusot sa CA.

Hindi naman pabor dito si Sen. John Osmeña sa pagsabing hindi dapat gantihan ng mga bagong talagang senador na miyembro ng CA ang mga appointees ng Pangulo.

Sinabi ni Osmeña na pinagbigyan din nilang makalusot sa CA ang mga itinalagang opisyal ni dating Pangulong Estrada bilang pagkilala noon sa administrasyon nito.

Samantala,ipinagpaliban kahapon ng CA ang nominasyon ni dating Foreign Affairs Secretary Domingo Siazon bilang Philippine Ambassador to Japan matapos kuwestiyunin ni Sen. Serge Osmeña III na miyembro ng CA na hindi siya naabisuhan na kahapon gagawin ang opisyal na kumpirmasyon dito. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments