Ilang impormante na kabilang sa mga Estrada supporter na nagdedemonstrasyon sa EDSA Shrine ang nagsabing pinaplano nilang lusubin ang Malacañang.
Sinabi ng impormante na libu-libo pang Estrada loyalist mula sa Visayas at Mindanao ang patuloy na nagdadagsaan sa EDSA Shrine para igiit na mapalaya at maibalik sa kapangyarihan si Estrada.
Tila tinatangka nilang gayahin ang EDSA 2 na nagpatalsik kay Estrada sa kapangyarihan noong Enero 20 ng taong ito.
Sinabi ng impormante na, kung hindi bababa ngayon sa puwesto si Arroyo, lulusob ang mga Estrada loyalist sa Malacañang para patalsikin siya sa kapangyarihan.
Umabot umano sa tatlong milyong katao hanggang kahapon ang nasa EDSA Shrine.
Kaugnay ng patuloy na pagdagsa ng maraming tao sa EDSA Shrine, kinansela kahapon ang lahat ng mga aktibidad ng Pangulo.
Hindi rin binuksan sa publiko ang Malacañang dahil sa mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng Presidential Security Group.
Inamin kahapon ni Interrior and Local Goverment Secretary Joey Lina na nakikipagnegosasyon na ang pamahalaan sa kampo ni Estrada.
Nagsimulang magtipon-tipon ang mga Estrada loyalist sa EDSA Shrine makaraang arestuhin si Estrada noong Miyerkules dahil sa kaso niyang plunder.
Ilang impormante naman sa militar ang nagsabing nakahanda ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police na labanan ang specialized insurrection unit na binubuo umano ng mga rebeldeng sundalo at pulis at naatasang maghasik ng terorismo sa hanay ng mga Estrada loyalist sa EDSA Shrine para maging paborable ang sitwasyon sa pagtatatag ng isang pamahalaang militar.
Gagamitin rin umano ng naturang insurrectionary forces ang Kuratong Baleleng Group at Solido Group sa kanilang hakbang laban sa pamahalaan. (Ulat nina Ellen Fernando, Ely Saludar, Christina Mendez at Rudy Andal)