Sinabi ni Presidential Chief of Staff Renato Corona na hindi dapat itulad ang EDSA 2 sa kasalukuyang pagtitipon sa EDSA na umanoy mga bayaran ang mga tao ngayon.
"Kasi po iyong sitwasyon naman po ay ibang-iba. Ngayon naman po ay meron tayong isang grupo diyan na binabayaran, may rent-a-crowd," sabi pa ni Corona.
Sinabi pa ni Corona na kokonti lang ang nagpupuntang tao sa EDSA Shrine at hindi ito pinapansin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Makaraang maaresto at makulong si Estrada, may 300 hanggang 500 tagasuporta niya ang nagtipon-tipon sa EDSA Shrine kamakalawa ng hapon at nadagdagan hanggang kinagabihan. Sinabi ng mga lider ng mga demonstrador na umaabot na sila kahapon sa 20,000 dahil sa pagdagsa ng mga kasamahan nila mula sa mga lalawigan pero sinabi naman ni Eastern Police District Director C/Supt. George Aliño na umaabot lang sa 3,000 hanggang 4,000 ang mga demonstrador dahil sa pagpapalit-palit ng mga tao rito.
Sinabi ng oposisyong Puwersa ng Masa-Laban ng Demokratikong Pilipino sa isang pahayag na 50,000 tao ang nagtipon-tipon sa EDSA Shrine para kondenahin ang inhustisyang ginawa kay Estrada. May 1.5 milyon pa umano ang takdang dumagsa sa naturang lugar.
Sinabi pa ng PnM na pawang mahihirap na tao at hindi inorganisa ng anumang grupo ang mga nagtungo sa EDSA Shrine.
Nagharang ng mahabang barbed wire at isang bus sa kalsada ang mga demonstrador para mapigilan ang mga pulis sa pagbuwag sa kanila.
Kabilang sa nagtungo sa EDSA Shrine sina dating Unang Ginang Loi Ejercito-Estrada, mga anak niyang sina Jude at Jackie; at mga senador na sina Miriam Defensor-Santiago, Tito Sotto, Juan Ponce Enrile at Gregorio Honasan.
Sinabihan ni Santiago ang mga demonstrador na huwag matakot. "Ang sabi nila bubuwagin daw ang mga tao kapag umalis kami (mga senador) rito. Puwes hindi kami aalis. Ang sabi bobombahin daw tayo ng tubig. Kapag binomba tayo, mag-bathing suit na lang tayo," sabi pa ng senadora.
Binalaan naman ni Vice President Teofisto Guingona ang mga demonstrador na huwag gagawa ng karahasan at huwag sirain ang mga ari-arian ng simbahan dahil may karapatang manghimasok ang pamahalaan laban sa paghahasik ng kaguluhan.
Minaliit din ni Defense Secretary Angelo Reyes ang EDSA 3 ng mga Estrada supporter kasabay ng pagdidiin na nananatiling solido ang suporta ng militar kay Arroyo.
Samantala, nilinaw ng spiritual director ng El Shaddai na si Fr. Anton Pascual na, kung meron man silang mga miyembro na nagtungo sa EDSA Shrine, personal nila itong desisyon at walang kinalaman ang pamunuan ng kanilang organisasyon.
Sinabi pa ni Pascual na hindi suportado ng lider nilang si Bro. Mike Velarde ang mga miyembro nilang sumama sa mga tagasuporta ni Estrada. (Ulat nina Ely Saludar, Danilo Garcia, Joy Cantos at Grace Amargo)