Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, kinilala ang pinatay na si re-electionist Bayugan Mayor Lope Asis.
Lumalabas sa pagsisiyasat na dakong alas 7:00 ng gabi habang nagtatalumpati si Asis sa entablado kasama ang iba pang lokal na kandidato sa isang political rally sa may Sitio New Cagbas, Bayugan, Agusan nang ito ay biglang pagbabarilin ng tatlong kalalakihan.
Sa testimonya ng ilang nakasaksi sa pangyayari, tatlong kalalakihan na nakasuot ng disenteng damit ang nakita nila na mataimtim na nakikinig sa talumpati ni Asis, subalit ilang minuto lamang ang nakakalipas ay biglang nagbunot ng baril ang mga ito at sabay-sabay na pinaputukan ang alkalde na namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa ulo.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sa lugar ng krimen gamit ang isang owner type jeep patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Sa ikalawang insidente, isang kandidato sa pagka-bise alkalde at tatlong kandidatong konsehal sa ilalim ng partido ng administrasyon ang dinukot ng mga nagpakilalang NPA matapos na umanoy mabigo ang mga itong magbayad ng access at campaign fees sa teritoryo ng mga rebelde.
Ayon sa report, lulan ng isang sasakyan ang mga biktimang sina Vicente Incidencia, kandidatong vice-mayor at ang tatlong tumatakbong konsehal na sina Adriano Gavia, Gregorio Burdeos at Francisco Sarmiento nang ito ay dukutin ng mga suspek dakong alas 5:00 ng hapon sa bisinidad ng Sitio New Ceb, Bgy. Salem, Bayugan.
Nagsasagawa naman ng search and rescue operation ang mga awtoridad upang ligtas na mabawi ang mga biktima. (Ulat ni Joy Cantos)