Ito ang inihayag ni Philippine Military Academy Superintendent Major General Ruben Carranza sa isang panayam sa telepono kahapon ng umaga.
Sinabi ni Carranza na nakakonekta ang 20-anyos na si de Guzman sa respirator sa Baguio General Hospital noong Sabado ng umaga nang biglang maganap ang blackout. "Limang minutong hindi gumana ang respirator kabilang na ang suction machine na sumisipsip ng tubig sa kanyang mga baga," sabi ni Carranza.
Sinasabi umano ng mga duktor na, bandang alas-3:16 ng madaling-araw ng Sabado, nasa "30 over zero" ang blood pressure ni de Guzman. Kasunod nito, nagkaroon siya ng cardiac arrest bandang alas-3:51 ng madaling-araw pero ginamitan lang ng kamay ang "pagbomba" ng mga duktor sa kanyang puso dahil may blackout na bandang alas-4 ng madaling-araw.
Sinabi pa ni Carranza na nagpadali sa kamatayan ng biktima ang dehydration. Idiniin niya na kanyang inuutusan ang mga kadete na uminom ng walong baso ng tubig araw-araw para makaiwas sa dehydration.
Nang tanungin kung posibleng konting tubig lang ang naiinom ni de Guzman, isinagot ni Carranza na "Hindi, sobra na nga, kaya may mga tubig sa kanyang baga."
"Hindi nila matagalan ang pagsasanay," patungkol ni Carranza kina de Guzman na anim na araw pa lang nagsasanay sa PMA at sa isa pang kadete na si Mark Anthony Caraan na nasa malubhang kalagayan.
"Hindi makahinga... manipis ang hangin dito sa Baguio," paliwanag pa ni Carranza na nagdiin na "hindi binugbog" at hindi "minaltrato si de Guzman. "Wala nang gustong mag-hazing dito. Nangyaring bumigay lang yung kadete."
Sa isang pahayag kamakalawa ng gabi, idineklara ng PMA na "acute respiratory distress syndrome" ang ikinamatay ni de Guzman.
Sinabi pa sa pahayag na ipinasok si de Guzman sa Fort del Pilar Station Hospital bandang alas-3:50 ng madaling-araw ng Biyernes dahil sa "frothy bloody sputum." Inilipat ang biktima kinalaunan sa Baguio General Hospital dahil gumagrabe ang kanyang kalagayan.
Sinabi pa ng PMA na nagdugo ang ilong ng biktima habang nasa isang classroom instruction noong hapon ng Abril 3. Noong Miyerkules, Abril 4, nawalan ng malay ang kadete sa hindi malamang dahilan habang nagmamartsa patungo sa dining hall bandang tanghali.
Ipinasok si de Guzman sa Fort del Pilar Station Hospital at natuklasang meron siyang hypoglycemia o dehydration. Pinalabas siya ng pagamutan noong Huwebes.
Samantala, sinabi ng PMA na isa pang kadete na si Cadet FourthClass Mark Christian Caraan ang nasa malubhang kalagayan sa BGH dahil sa kidney problem secondary to dehydration. (Ulat ni Aurora Alambra)