Kasalanan daw ni Sin kaya nasipa si Estrada

Sinisi ni dating pangulong Joseph Estrada sa pagkakatalsik niya sa puwesto noong Enero 20 kasunod ng apat na araw na pangalawang people power revolution si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin at mga negosyanteng taga-Makati City.

Sinabi ni Estrada na nagalit sa kanya si Sin nang hindi niya pinagbigyan ang mga kahilingan nito tulad ng pagkansela sa Vi-siting Forces Agreement ng Pilipinas at Amerika, pagpigil sa population control program at paghinto ng opensibang militar laban sa Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao.

"Hindi ko pinagbigyan si Cardinal Sin sa kanyang mga pakiusap kaya bumaligtad siya sa akin," sabi ni Estrada sa harap ng kanyang 5,000 tagasuporta sa grand proclamation ng mga kandidato ng Laban ng Demokratikong Pilipino-Puwersa ng Masa sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan kamakalawa ng gabi.

Ipinaliwanag ni Estrada na tungkulin niyang pangalagaan ang pambansang interes kaya niya sinuportahan ang VFA bagaman sinasabi ni Sin na palulubhain ng kasunduan ang problema ng prostitusyon.

Idinepensa rin niya ang population control program niya sa pagsasabing 1.7 milyong sanggol ang isinisilang taon-taon. Binanggit din niya na ipinursige niya ang pakikipaggiyera sa MILF noong nakaraang taon dahil ito lang ang makakasugpo sa insurgency problem sa Mindanao.

Samantala, isasagawa ngayon ng mga militanteng grupo at ibang kalahok sa EDSA 2 ang protest caravan para pilitin ang Supreme Court na bawiin ang kautusan nito na nagbabawal sa pagsasampa ng kaukulang kaso at pagpapalabas ng arrest warrant laban kay Estrada.

Sinabi ng partylist group na Bayan Muna na magtutungo ang kanilang grupo sa Baguio City na pinagdarausan sa kasalukuyan ng mga sesyon ng Mataas na Hukuman. (Ulat ninaJose Rodel Clapano at Mayen Jaymalin)

Show comments