Ito ang ipinanawagan kahapon ng mga kongresistang sina Reps. Apolinario Lozada ng Negros Occidental at Ernesto Herrera ng Bohol bilang tugon sa mga kundisyong hinihingi umano ni Manero para sumuko ito.
Idiniin nina Lozada at Herrera na wala sa posisyon si Manero para gumawa ng mga kahilingan sa pamahalaan dahil isa itong takas na kriminal.
"Kung gusto talagang mapabilis ang pagsuko ni Manero, dapat iutos ang shoot-to-kill order laban sa kanya," sabi ni Lozada.
Kabilang sa mga kundisyong hinihingi ni Manero ang pagbalik ng presidential pardon na binawi sa kanya ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, pagpapabilis sa paglilitis sa isa niyang kasong murder at ang pagtanggal ng suspension sa tatlong jailguard ng Sarangani Provincial Jail.
Pero naniniwala si Lozada na susuko si Manero kahit hindi masunod ang mga kundisyon nito sa sandaling magpalabas ng shoot-to-kill order ang pamahalaan.
Kasabay ng pagtanggi sa naturang mga kahilingan, sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na hindi makikipagkompromiso ang pamahalaan kay Manero para lang ito maibalik sa kulungan.
Sinabi pa ni Perez na gagawin na lang ng pamahalaan ang obligasyon nito na madakip muli si Manero. Sinabi pa niya na hinihintay ng kanyang tanggapan ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na magiging basihan kung dapat kasuhan ang warden at tatlong jailguard ng Sarangani Provincial Jail dahil sa pagkakatakas ni Manero noong Huwebes.
Kinumpirma naman ni Philippine National Police Chief Director General Leandro Mendoza na nasa Mindanao pa si Manero kaya nakasentro sa rehiyon ang pagtugis nila rito. (Ulat nina Malou Rongalerios, Grace Amargo at Joy Cantos)