Kinilala ni MRTC Judge Luis Arranz sa kanyang 11 pahinang desisyon ang mga nasentensyahang akusado na sina Chief Inspector Francisco Alhambra, SPO3 Leon Sante, SPO2 Virgilio Zamora, SPO2 Virgilio Manabo, SPO1 Domingo de Salit, SPO1 Alberto Nepomuceno, SPO1 Rene Ambat, PO3 Constancio Lagtu, at Junior Police Renato C. Morales na pawang miyembro ng police station ng Carmona, Cavite.
Sinabi ni Arranz na nabigo ang mga akusado na patunayang ipinagtanggol lang nila ang kanilang mga sarili nang mapatay nila ang dalawa sa tatlong magkakapatid na Purificacion.
Pinatawan din ang mga akusado ng parusang mula walo hanggang 14 na taong pagkabilanggo dahil sa bigong pagpatay kay Vicente na nakaligtas sa masaker.
Sinasabi sa rekord ng korte na, bago naganap ang krimen, isinisilbi ng grupo ni Alhambra ang arrest warrant laban sa magkakapatid na Purificacion sa tahanan ng mga ito sa Barangay San Miguel, Maragondon, Cavite noong Hulyo 13, 1993 dahil umano sa pagkakasangkot ng mga biktima sa isang kasong murder.
Ikinatwiran ng mga akusado na, habang isinisilbi nila ang arrest warrant, nakipagbarilan sa kanila ang magkakapatid hanggang sa mapatay sina Gerardo at Rolando at masugatan si Vicente.
Pero lumabas sa pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation na negatibo sa powder burns ang napatay na magkapatid na nangangahulugang hindi nanlaban ang mga ito sa mga pulis.
Naunang dininig sa isang korte sa Naic, Cavite ang naturang usapin pero, dahil sa pagkakaroon ng mga kumplikasyon tulad ng pagpapapatay sa ama ng mga Purificacion na si Narciso noong Setyembre 21, 1994, hiniling ng ina ng mga biktima na ilipat ang kaso sa Maynila.
Kaugnay pa nito, inatasan ni Arranz ang mga akusado na magbayad ng P177,800 danyos pinsala sa mga biktima. (Ulat ni Grace Amargo at Andi Garcia)