Alinsunod sa Republic Act 6713, dapat magsampa ang Pangulo at ang First Gentleman ng kanilang SAL at iba pang negosyo sa Ombudsman sa loob ng 30 araw mula nang manungkulan sa puwesto o bago sumapit ang Abril 30 ng ba- wat taon.
May 48 araw na sa Malacañang si Arroyo mula nang palitan niya si dating Pangulong Joseph Estrada noong Enero 20.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Renato Corona sa isang panayam na hindi niya alam kung nagsampa na ng SAL ang Pangulo pero natitiyak niyang ginagawa na ito ng mga personal accountant ng Punong Ehekutibo.
Idiniin pa ni Corona na hindi gaanong naiiba ang kinikita ngayon ng Pangulo kumpara noong nakaraang taon.
Idineklara ni Arroyo sa kanyang SAL na isinampa niya noong nakaraang taon nang nanunungkulan pa siya bilang bise presidente at kalihim ng Department of Social Welfare and Development na umaabot sa P37,026,522 ang halaga ng kanyang kayamanan o mga ari-arian.
Kabilang sa mga idineklarang ari-arian ni Arroyo ang mga lupa at bahay sa Baguio City, Antipolo, condominium unit sa Ayala, Quezon, Bulacan at Ba- tangas, stocks, bank deposits, sasakyan, law books, alahas, at kabayong pangarera.
Sa mga negosyo, inilista niya ang mga kumpanya ng kanyang asawang abogado tulad ng LTA realty firm, JJ Agril. Corp. sa Bacolod City, at Aviatica Travel agency.
Sinabi kahapon ni Press Undersecretary Roberto Capco na maaaring lumiit ngayong taong ito ang SAL ng Pangulo dahil patuloy ang pagbitiw nilang mag-asawa sa kanilang mga pinamumuhunanan.
Binanggit ni Capco ang pahayag ng Pangulo noong Marso 3 na ipinailalim niya sa comprehensive agrarian reform program ang mga lupain niya sa lalawigan.
Sa unang linggo ng kanyang panunungkulan, sinabi ng Pangulo na ipinailalim ng kanyang asawa sa blind trust ang mga negosyo ng kanilang pamilya. Bukod dito, hindi makakapagtrabaho bilang abogado si First Gentleman.
Libre anya ang serbisyo ng First Gentleman bilang abogado ng Volunter Against Crime and Corruption. (Ulat ni Marichu Villanueva)