Ito ang inihayag kahapon ni Acting Defense Secretary Eduardo Ermita na kasalukuyan ring Presidential Adviser on Peace Process.
Sinabi ni Ermita na ang pagbibigay ng safe conduct pass kay Sison ay maaring makapagpabilis ng panunumbalik ng nabalam na peace talks ng gobyerno sa hanay ng CPP-NPA-NDF.
Si Sison ay na-exiled sa The Netherlands noong 1987 isang taon matapos itong makalaya sa kaniyang detention center sa bansa sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Aquino.
Maliban sa kasong rebelyon si Sison ay idinidiin rin ng Armed Forces of the Philippines sa pagkakasangkot sa pagpaslang sa tinatayang daan-daang espiya ng gobyerno noong dekada 80. (Ulat ni Joy Cantos)