Pinatutungkulan ni Estrada sa kanyang 15 pahinang manipestasyon ang mga kasong plunder, perjury, malversation of public funds, falsification of public document at unexplained wealth na isinampa sa Ombudsman ng Volunteer Against Crime and Corruption.
Hiniling din ni Estrada sa Mataas na Hukuman na pagbawalan ang VACC at iba pang grupo sa pagsasampa ng kahit anong uri ng kaso laban sa kanya dahil hindi pa tapos ang kanyang termino bilang ika-13 pangulo ng bansa.
Kinuwestyon din ng dating Pangulo ang naunang pahayag ni Ombudsman Aniano Desierto na maaaring makasaksi ang publiko sa gagawing paglilitis kay Estrada na gaya ng naganap sa impeachment court.
Sa kabila ng petisyon ni Estrada, sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na magsasampa pa sila ng dagdag na mga kaso laban sa una dahil sa paggigiit nito na ito pa rin ang presidente ng Pilipinas kahit nakaupo na sa puwestong ito si Gloria Macapagal-Arroyo.
Samantala, sinabi ni Desierto sa hiwalay na panayam na handa na ang kanyang tanggapan na isampa ang mga kaso ni Estrada sa Sandiganbayan sa Marso.
Matapos anyang makasuhan si Estrada sa korte, magpapalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan para makulong ang dating Pangulo.
Tiniyak din ni Perez na mabibigyan din ng live television at radio coverage ang paglilitis ng Sandiganbayan kay Estrada.
Sa isang forum sa Manila Hotel, sinabi ni Senador Juan Ponce Enrile na handa siyang maging abogado ni Estrada sa mga kaso nito.
Nagkataon lang anya na ipinagbabawal sa isang senador na abogado na magsilbing tagapagtanggol sa sinumang tao na nakademanda.
Nanawagan naman si Isabela Congressman Heherson Alvarez sa mga kinauukulan na huwag pagsuutin si Estrada ng uniporme ng bilanggo kapag ikinulong ito dahil naging presidente ito ng bansa. (Ulat nina Lilia Tolentino, Doris Franche at Malou Rongalerios)