Salpukan ng 2 bus: 7 katao patay, 17 pa sugatan

ATIMONAN, Quezon– Pito katao kabilang dito ang isang babaeng buntis ang nasawi matapos magkabasag-basag ang bungo ng mga ito habang labing-pito ang malubhang nasugatan matapos ang kanilang sinasakyang mini-bus ay sumalpok sa isang aircon bus sa isang kurbadang kalye sa Bgy. Ilayang Malinao, kamakalawa ng tanghali sa bayang ito.

Ang mga biktima na pawang nabasag ang bungo at pagkasugat sa katawan ng mga pasahero ng mini-bus ay nakilalang sina Albert Ayupana, 35, driver ng mini-bus; Maria Vargas, 42; Edna Gripaldo, 40; John-john Gripalda, 14; Noemi Luna at ang di pa nakilalang anak nitong babae na pawang residente ng barangay Sta.Catalina sa bayang ito at isang di nakikilalang babae na tinatayang anim na buwang buntis.

Samantala ginagamot sa Doña Marta Hospital ang 17 pasahero na nagtamo ng minor injuires.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Godefredo Paterno-may hawak ng kaso na ang pangyayari ay naganap dakong alas 12:30 ng tanghali habang ang mini-bus na may plakang DVR-214 ay tinatahak ang diversion road ng Atimonan,Quezon patungo sa Lucena City na minamaneho ng nasawing si Ayupana.

Pagsapit sa kurbadang lugar ay bumulaga sa harapan ng mini-bus ang isang Philtranco aircon bus na may plakang WEJ-419 na minamaneho ni Manuel Coracero.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi na magawang iwasan ng dalawang driver ang kanilang mga bus at naganap ang head to head collision. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments