Erap inisnab ng ibang bansa

Sinabi kahapon ni Acting Foreign Affairs Secretary Lauro Baja na hindi na pinapansin ng mga dayuhang pamahalaan ang pamimilit ni dating Pangulong Joseph Estrada na ito pa rin umano ang presidente ng Pilipinas.

Ito ang isang dahilan, ayon kay Baja, kung bakit kailangang tanggapin ni Estrada na si Gloria Macapagal-Arroyo na ang presidente ng bansa.

Sinabi ni Baja na, sa kanyang palagay, hindi na papansinin ng iba’t ibang bansa si Estrada dahil nagpahayag na sila ng suporta kay Arroyo.

Pinuna pa ni Baja na abala ang Department of Foreign Affairs sa pag-aasikaso sa iskedyul ng mga resident ambassador ng iba’t ibang bansa na nais dumalaw kay Arroyo sa Malacañang,

Sa kaugnay na ulat, sinabi ni dating Executive Secretary Ronaldo Zamora na nais lang idiin ni Estrada sa talumpati nito sa convention ng Partido ng Masang Pilipino kamakalawa na hindi ito nagbitiw sa tungkulin at hindi napatunayan ng impeachment court na nagkasala ito.

Sinabi ni Zamora na, sa ganitong paraan, makakatulong si Estrada sa paglutas sa usapin ng legalidad sa pag-upo ni Arroyo sa kapangyarihan kasunod ng pangalawang people power revolution.

Pero sinabi ni Zamora sa panayam ng dzRH na wala nang magagawa. Ano man ang gawin ni Estrada, hindi na mababago ang sitwasyon. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments