Bitay sa 12 kidnapers

Labindalawang miyembro ng 50 million peso gang ang napatunayang nagkasala at hinatulan ng Caloocan Regional Trial Court ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa pagnakaw at pagkidnap nila sa isang negosyanteng Intsik sa Caloocan City noong 1998.

Kinilala ni Judge Bayani Rivera ang mga nasentensyahang kidnaper na sina Federito Cave; Mamerto Obtenalla, Generoso Nuevo, Gerrydel Cave, Sanny Castante, James Bond Bucla, Eddie Obtenalla, Richard Ordanez, Ernesto Cave, Elmer B. Garcia, Freddie Colobong at Amadeo Prado na pawang taga-Pangasinan.

Gayunman, ipinataw lang ni Rivera ang parusang habambuhay na pagkabilanggo sa isa pang akusado na si Lolita Colobong Prado.

Hindi malinaw kung bakit habambuhay ang parusa sa babaeng akusado bagaman sinasabi sa rekord ng korte na nakita lang siya sa kuta ng mga kidnaper nang salakayin ito ng mga awtoridad.

Inatasan din ng korte ang bawat isa sa 13 akusado na magbayad ng tig-P200,000 danyos sa biktimang si Allan Co, 27, ng 2nd Avenue, Caloocan City.

Sinasabi sa rekord ng korte na ninakawan ng mga akusado ng P15,000 cash at P2,000 halaga ng kuwintas si Co bago nila ito kinidnap sa naturang lungsod noong Setyembre 28, 1998. Dinala ang biktima sa Angeles City, Pampanga.

Pero natunton at sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force ang kuta ng mga kidnaper sa naturang lungsod sa tulong ng isa pang biktima ng mga ito na si Raymund Rivera. Nabatid na pinakawalan ng mga kidnaper si Rivera makaraang magbayad ng P7 milyong ransom ang kanyang pamilya pero itinuro niya sa mga awtoridad ang pinagtataguan ng mga suspek.

Nasagip naman ng PAOCTF si Co nang salakayin ang naturang lugar. Nakaposas pa sa isang bintana ang biktima nang matagpuan.

Sinabi ng PAOCTF na ang mga biktima ng gang ay tinatratong parang aso. Tinawag na 50 million peso gang ang grupo dahil laging P50 milyon ang hinihingi nitong ransom sa pamilya ng mayayaman nilang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments