Noong November 13, 2000 ay na-impeached si Erap. Kauna-unahang Presidente sa Asia sa kasaysayan. Subalit pinagtawanan lamang ni Erap ang mga akusasyong iniharap sa kanya. Sinabi nitong malinis ang kanyang konsensiya at wala siyang tinanggap kahit isang sentimo. Mula nang ma-impeached ay naging kakatwa na ang mga ikinilos ni Estrada. Naging madalas na ang pagpunta niya sa mga squatters area at namamahagi umano ng mga titulo ng lupa. Hindi naman umano titulo ang mga ito kundi papel lamang na walang laman. Sa madalas niyang pagtungo sa mga mahihirap na lugar ay nagpapaliwanag siya at sinabing wala siyang kasalanan. Sinabi nitong pupulutin sa kangkungan ang kanyang mga kalaban. Muli siyang nangako sa mga mahihirap.
Subalit hindi na nangyari ang paulit-ulit na pangako ni Erap sa mahihirap. Hinatulan siya ng taumbayan sa EDSA sa loob lamang ng apat na araw. Ito ay pagkatapos na makipagkutsaba sa 11 senador na huwag buksan ang kontrobersiyal na envelope na naglalaman ng mga misteryosong account na pag-aari rin niya. Tinapos ng taumbayan ang hindi natapos na paglilitis sa impeachment court. Malinaw at tiyak ang hatol kay Erap. Guilty siya sa mga kasalanan sa taumbayan. Sinira ang tiwala ng taumbayang nagluklok sa kanya sa puwesto.
Noong Sabado (January 20) ay nilisan ni Erap ang Malacañang. Bagamat nakangiti at kuma-kaway ay hindi maitatago ang durog na kalooban dahil sa masaklap na sinapit. Iisa ang naging kapalaran nila ni dating diktador Ferdinand Marcos na pinaalis sa puwesto ng nagalit na taumbayan. Nakasulat na sa kasaysayan ang sinapit ni Erap. Isang lider na nagkunwaring dakila sa harap ng mahihirap. Subalit mali pala, dakilang lover lamang pala siya. Hindi makamasa kundi maka-asawa! (Katapusan)