^

Bansa

People Power 2: Hatol kay Erap tuloy sa lansangan

-
Sa lansangan na matutuloy ang paghahatol kay Pangulong Joseph Estrada makaraang mabigo ang maraming mamamayan sa Senado na tumangging tanggapin ang isang ebidensya laban sa kanya.

Tinayang nagsimula sa 5,000 ang bilang ng mga anti-Estrada na nagtipon-tipon sa EDSA Shrine sa Ortigas, Pasig City at umakyat ito sa mahigit 60,000 hanggang kahapon ng hapon na pinaniniwalaang hudyat ng pangalawang people power movement na kahalintulad ng naganap noong Pebrero 1986 na nagpabagsak sa diktadurang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Kabilang sa mga unang nagtungo sa dambana sina dating Pangulong Corazon Aquino, Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin at Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.

Makaraang matalo ang 10 senador na nais buksan ang envelope at magbitiw sa tungkulin si Senate President Aquilino Pimentel, nagkaroon ng misa ang mga anti-Estrada sa EDSA Shrine at nagkaroon ng noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Kinondena nila ang umano’y moro-morong paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban sa Pangulo. Nagsikip ang trapiko sa Epifanio delos Santos Avenue na dahilan para tanging ang Metro Rail Transit ang sasakyang inasahan ng mga pasahero para makadaan sa EDSA.

Bandang alas-2:30 ng hapon kahapon nang dumating sa EDSA Shrine si dating Pangulong Fidel Ramos na naglakad lang mula sa Ninoy Aquino International Airport makaraang dumating siya rito mula sa Hong Kong.

Hinimok ni Ramos ang sambayanang Pilipino na makiisa sa pagtitipon sa EDSA Shrine bilang bahagi ng people power revolution part II.

Sinabi ni Ramos na nasa kamay na ng sambayanan ang paghuhusga kay Estrada matapos magbitiw ang mga prosecutors at tumanggi ang 11 senador-hukom na buksan ang pangalawang envelope ng Velarde account.

"Ang taumbayan ang dapat humatol kay Estrada dahil ang impeachment court laban sa Pangulo ay nasa kamay na ngayon ng sambayanan at naririto sila ngayong nagkakaisa sa EDSA para hilingin kay Estrada na maagang magbitiw sa puwesto," sabi pa ni Ramos.

Inaasahan ng Kongreso ng Mamamayang Pilipino at ng Erap Resign Movement na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga tao hanggang araw na ito para sama-samang hilingin ang pagbibitiw ng Pangulo.

Nagsara naman ang dalawang exit at entrance gate ng himpilan ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base sa Pasay City dahil sa ulat na papasok dito si Ramos at hikayatin ang mga sundalo na sumama sa rally sa EDSA.

Nanawagan naman si Macapagal-Arroyo kay Estrada na huwag pag-awayin sa isa’t isa ang mga Pilipino dahil kung magkakaroon ng karahasan, dadanak ang dugo sa pintuan nito.

Binatikos ng Sanlakas ang 11 senador na tumangging buksan ang envelope. Sinabi ng kanilang tagapagsalitang si Archie Guevarra na bumaba ang paghanga nila kay Sen. Tessie Oreta dahil sa nakakahiya umanong pagtawa nito at pagkagalak sa pagkapanalo ng mga pro-Estrada senators.

Kabilang din sa nagdagsaan sa EDSA Shrine ang iba’t ibang sektor mula sa ilang lalawigan tulad sa Zambalez at Cavite. Nanawagan din ang Pro-Gay Philippines sa mga bakla at tomboy na lumahok sa pangalawang EDSA revolution.

Nanawagan naman si Fr. Lito Jopson, media director ng Archdiocese of Manila, sa mamamayan na iboykot ang mga banko ng mga cronies ni Estrada tulad ng Allied Bank ni Lucio Tan, United Coconut Planters Bank ni Danding Cojuangco at ang Philippine National Bank.

Sinabi naman ni Sin na wala nang silbi ang pagpapatuloy ng paglilitis ng impeachment court dahil parang inabsuwelto na ng nakakaraming maka-administrasyong senador ang Pangulo sa pamamagitan ng pagtanggi sa ebidensya.

Sumama rin sa rally sa EDSA Shrine ang mga senador na bumoto para sa pagbubukas ng envelope tulad nina Franklin Drilon, Loren Legarda-Leviste, Renato Cayetano, Raul Roco at Teofisto Guingona.

Sa pagsisimula ng protesta kamakalawa ng gabi laban sa ginawa ng Senado, kumalat din ang mga text message na kumokondena sa mga senador na tumutol sa pagbukas ng envelope tulad nina Tessie Oreta, Kit Tatad, Juan Ponce Enrile, Gregorio Honasan, Nikki Coseteng, Ramon Revilla, Robert Jaworski, John Osemeña, Miriam Santiago at Tito Sotto. Nanawagan ang mga texter na huwag iboto sa susunod na halalan ang mga ito.

Nanawagan naman ang Caucus of Lawyers for Erap’s Abrupt Resignation kay Chief Justice Hilario Davide Jr. na magbitiw bilang presiding officer ng impeachment court para hindi siya magamit ng mga pro-Estrada senators sa pagpapawalang-sala sa Pangulo.

Pero tiniyak ni Davide na hindi siya magbibitiw dahil nakabatay sa Konstitusyon ang kanyang panunungkulan sa naturang puwesto.

Tiniyak ng liderato ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police na hindi makikilahok ang mga sundalo at pulis sa pangalawang people power revolution. (Ulat nina Rudy Andal, Butch Quejada, Rose Tamayo, Danilo Garcia, Angie dela Cruz, Andi Garcia, Grace Amargo at Omar Acosta)

ABRUPT RESIGNATION

EDSA

ESTRADA

NANAWAGAN

PANGULO

RAMOS

SENADO

SINABI

TESSIE ORETA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with