Sinabi kahapon ni Senate President Aquilino Pimentel Jr. na kailangang magpaliwanag si Cayetano dahil nalalagay sa alanganin ang kredibilidad nito lalo pa at kabilang ito sa mga tumatayong hukom sa paglilitis sa mga kasong impeachment laban sa Pangulo.
Sinasabi umano ni Tan na hindi siya binayaran ni Cayetano sa mga binili nitong P4.5 milyong shares kahit binigyan niya ito ng diskuwento.
Idinahilan naman ni Cayetano na sumobra lang ang kuwenta ni Tan sa kanyang kinita. Dapat anya itong kasuhan ng libel at perjury dahil sa kasinungalingan nito.
Idiniin ni Cayetano na hindi siya kailanman nanghingi ng shares sa BW dahil nagbayad agad siya rito ng P6 milyon.
Idinagdag ni Cayetano na idinadawit lang siya ng mga tauhan ng Malacañang sa isyu ng BW Resources dahil hindi niya napagbigyan ang pabor na hinihingi ng Pangulo para mapawalang-sala ang anak ni dating Senador Freddie Webb na si Hubert sa kasong pagpaslang kay Estrellita Vizconde at mga anak nitong sina Carmela at Jennifer sa Parañaque noong 1991. (Ulat ni Doris Franche)