Sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview na hindi niya kukunsintihin ang kaibigan kung may sapat na ebidensya laban dito alinsunod sa ibinunyag ni Teresita Ang-See na tagapagsalita ng Citizens Action Against Crime.
Hinamon din ng Pangulo si Ang-See na dumulog kay Philippine National Police Chief Director-General Panfilo Lacson kung totoong may pinanghahawakan itong impormasyon at ebidensyang magdidiin kay Ang. Sa ganito anyang paraan, agad na makakagawa ng aksyon at imbestigasyon ang mga awtoridad.
"Ang dapat gawin ni Ang-See, ilapit iyan kay General Lacson at kung mapapatunayang totoo, kagyat na aarestuhin si Atong Ang," wika pa ng Pangulo.
Gayunman, duda ang Pangulo sa pagkakasangkot ni Ang na itinaon sa paglilitis ng Senado sa kaso niyang impeachment. Maaari anyang bahagi ito ng trial by publicity.
Kinumpirma rin kahapon ni Lacson na sangkot si Ang sa iligal na aktibidad ng mga kidnap-for-ransom syndicate lalo na sa kaso ng isang biktimang mayamang negosyanteng Intsik may ilang taon na ang nakakaraan.
Inamin ni Lacson sa isang panayam na sangkot umano si Ang sa pagdukot sa isang miyembro ng pamilyang Sy na may-ari ng Llanas Supermarket pero nagsilbi lang itong negosyador para sa panig ng pamilya para mapawalan ang biktima.
"Isang araw lang ito. Nagkabayaran agad pero, narinig ko, si Atong Ang ang nakipagnegosasyon para mapalaya ang biktima. Wala akong direktang kaalaman sa kaso dahil nasa floating status ako noon. Pero titingnan ko ang rekord dahil naireport ito sa PNP," sabi pa ni Lacson.
Inatasan naman ni Interior Secretary Alfredo Lim si Lacson na imbestigahan agad ang naturang usapin kay Ang dahil isa itong seryosong bagay. (Ulat nina Ely Saludar, Joy Cantos, Lilia Tolentino at Rudy Andal)