Habang nasa witness stand ang managing head ng entertainment and bingo department ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na si Atty. Emilia Padua, kinuwestyon ng mga senador-judge na sina John Osmeña at Robert Jaworski ang mikropono ng television camera ng Channel 7 na nakakabit sa isang bahagi o parang bakod na pumapagitna sa session hall at gallery at malapit sa kinauupuan ni Sen. Tessie Oreta.
Sinabi nina Osmeña at Jaworski na malamang naire-rekord sa naturang mikropono ang pribadong pag-uusap ng mga senador kahit naka-recess sila at hindi ito dapat pahintulutan ng impeachment court.
Idiniin ni Jaworski na meron nang regulasyon sa paglalagay ng mga camera ng mga TV station kaya walang dahilan para maglagay pa ng dagdag na mikropono sa session hall ang Channel 7. Noon pang Lunes niya ito napupuna.
Dahil dito, ipinatawag ni Davide sa witness stand ang cameraman ng Channel 7 na si Jose Canlas, 26, pero ipinaliwanag nito na ang kasamahan niyang si Bong de Guzman ang nagkabit ng mikropono.
Pero inamin ni Canlas na nakukuha ng mikropono ang lahat ng pinag-uusapan sa impeachment court kahit hindi nakabukas ang audio ng session hall.
Ipinaliwanag naman ni GMA-7 News Director DJ Sta. Ana na walang malisya ang kanilang istasyon sa paglalagay ng naturang mikropono. Nais lang nilang makakuha ng natural sound.
Iginiit naman ni Senator-Judge Vicente Sotto III na kailangan munang alamin kung ano ang gamit ng naturang mikropono bago husgahan ang GMA-7.
Ipinakumpiska ni Davide ang mikropono bago ipinagpatuloy ang testimonya ni Padua.
Kinumpirma lang ni Padua ang naunang pahayag ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na limang porsiyento ang komisyong makukuha ng kaibigan ng Pangulo na si Charlie "Atong" Ang sa operasyon ng Bingo 2-Ball bagaman taliwas ito sa desisyon ng board ng Pagcor. (Ulat ni Doris Franche)