Ito ang nabatid sa isang mapapanaligang impormante na nagsabi pa na, ilang araw bago naganap ang pambobomba, lihim umanong nagpulong sa isang di-pinangalanang lugar ang dalawang mambabatas, ang naturang dating senador at heneral, at tatlo pang personahe para umano planuhin ang pambobomba para guluhin ang bansa at mapanatili si Pangulong Joseph Estrada sa puwesto.
Hindi pa maberipika ang tinuran ng impormante bagaman naunang iginigiit ng Malacañang ang akusasyon ng oposisyon na may kinalaman ang pamahalaan sa pambobomba.
Sinabi ng impormante na ang dalawang mambabatas at dating senador ang may idea ng pambobomba pero tinutulan ito ng ilang kasamahan nila sa pulong.
Isinagawa rin nila ang pulong dahil sa pagkaalarma nila sa testimonya sa impeachment court ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo na iisang tao lang sina Estrada at Jose Velarde na nakalagda sa isang tseke na ginamit sa pagbili ng mansion para sa isang kalaguyo ng Pangulo.
Nabatid na nakarating sa kaalaman ng ilang tauhan ng Department of Interior and Local Government ang hinggil sa naturang pulong.
Mariin namang pinabulaanan ni DILG Undersecretary Narciso Santiago Jr. ang kumakalat na text message na nakatakda umanong magsalita ang ilan niyang staff hinggil sa naganap na pambobomba sa kalakhang Maynila.
"Kilala ko ang lahat ng staff ko at walang sinuman sa kanila ang may alam tungkol sa pambobomba, sino ang nasa likod nito, at ipaubaya natin sa mga awtoridad ang pag-iimbestiga rito," sabi ni Santiago sa isang panayam sa telepono.
May ulat din na ilang preso sa New Bilibid Prison ang pinakawalan umano ilang bago naganap ang pambobomba.
Samantala, sinisiyasat ngayon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group at Presidential Anti-Organized Crime Task Force ang anggulong may kasabwat na mga pandaigdigang terorista ang grupong may kagagawan ng pambobomba sa Light Rail Transit at Plaza Ferguson sa Maynila, isang bus sa Quezon City, sa isang cargo terminal ng Ninoy Aquino International Airport at sa labas ng Dusit Hotel sa Makati City.
Ginawa ng CIDG at PAOCTF ang hakbang dahil sa nakalap nitong impormasyon na isang lalaking mukhang dayuhan ang namataang umaali-aligid sa may Plaza Ferguson ilang oras bago maganap ang pagsabog ng isang bomba rito.
Kasabay nito, nagpakalat ng 200 tauhan ng Philippine Marines sa Metro Manila ang Armed Forces of the Philippines para tulungan ang PNP sa pagbabantay sa mga istasyon ng LRT at Metro Rail Transit at iba pang matataong lugar.
Ginawaran din ni PNP Chief Director-General Panfilo Lacson ng posthumous award sina SPO4 Roberto Gutierrez at Insp. Nestor Salvador ng Makati Police na kapwa namatay nang sumabog ang idine-"defuse" nilang bomba na natagpuan sa labas ng Dusit Hotel.
Pinayuhan naman ng State Department ng United States ang lahat ng Amerikano sa Pilipinas na mag-ingat at huwag lalabas ng kanilang tahanan kung hindi lubhang kailangan dahil sa naganap na pambobomba. (Ulat nina Lordeth Bonilla, Rudy Andal at Joy cantos)