Ikinatwiran ng mambabatas na wala nang natitirang reputasyon si Estrada makaraang ibunyag ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo na nakita nitong pumirma bilang Jose Velarde ang Pangulo sa signature card sa account nito sa naturang banko.
Kung totoo anyang mahalaga sa mga kamag-anak ni Estrada ang kapakanan nito, dapat nilang hikayatin ang Pangulo na lisanin na ang Malacañang. Sa isa namang pulong-balitaan sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan, sinabi ng Kongreso ng Mamamayang Pilipino II na dapat nang magbitiw si Estrada dahil isa nang matibay na testigo si Ocampo. Nangako ang Kompil na palalakasin nila ang pagmamanman sa Senado na lumilitis kay Estrada at isasagawa nila ang PULONGBAYAN sa mga komunidad, pabrika, paaralan at kura paroko para maipaliwanag sa mamamayan ang impeachment trial laban sa Pangulo. (Ulat nina Malou B. Rongalerios at Joy Cantos)