Ito ang inihayag kahapon ni Executive Secretary Ronaldo Zamora sa panayam ng radio station dzRH kasabay ng pagsasabing nakausap niya si Laquian sa pamamagitan ng telepono kaugnay ng naturang usapin.
Pero sinabi ni Zamora na wala pang katiyakan kung ipapatawag ng mga abogado ng Pangulo o defense panel si Laquian o hindi para humarap sa paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban kay Estrada.
Isang senior vice president ng Equitable-PCI Bank na si Clarissa Ocampo ang nagsabi sa impeachment court noong Biyernes na, sa harap niya at ni Laquian sa Malacañang, pinirmahan ni Estrada ang isang card para sa specimen signature sa P500 million investment account ni "Jose Velarde" sa naturang banko noong Pebrero. "Pinag-uusapan pa ng mga abogado ang bagay na ito. Kahit nakausap na namin si Laquian, wala pang indikasyon kung kailangan niyang tumestigo o hindi," sabi ni Zamora na nagdagdag na ang prosecution panel ang dapat magsagawa ng inisyatiba sa pagpapatawag kay Laquian.
Sinabi pa ni Zamora na, nang makausap niya si Laquian sa telepono, hindi umano nito matandaan ang insidenteng sinasabi ni Ocampo.
"Sabi niya, titingnan niya ang kanyang notebook. Siyempre, itinatala niya ang lahat ng mga pangyayaring ito. Masipag siyang note-taker. Pero hindi niya agad maalala ang insidenteng iyon," sabi pa ni Zamora.
Napilitang magbitiw sa puwesto si Laquian noong Marso ng taong ito nang pagalitan siya ng Pangulo sa isang pahayag niya sa Manila Overseas Press Club na inaabot ng madaling-araw si Estrada sa pakikipag-inuman sa mga sinasabing miyembro ng midnight cabinet nito.
Samantala, may 50 miyembro ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan na pinangungunahan ng secretary-general nitong si Teddy Casino ang nagsagawa ng lie-in protest sa gate 7 ng Malacañang para idiin na parang naghihingalo ang bansa sa pagtanggi ng Pangulo na magbitiw sa puwesto. (Ulat nina Lilia A. Tolentino at Ellen Fernando)