Pinabulaanan naman agad ng Malacañang ang naturang mga ulat kasabay ng pagsasabing maaaring kagagawan ng oposisyon ang mga kumalat na text messages at mensahe sa internet.
Dahil sa naturang mga mensahe, nabulabog ang ibat ibang ahensyang pambalitaan. Pinakilos nila ang kanilang mga reporter at cameramen sa Malacañang at sa tanggapan ni Vice President Gloria Macapagal-Arroyo na inaasahang papalit kay Estrada sakaling magbitiw ito alinsunod sa tadhanain ng Konstitusyon. Hindi rin pinatawad maging ang mga reporter na nasa bakasyon dahil pinatawag din sila at pinagtrabaho ng kasanilang ahensya.
Sinasabi sa kumalat na mensahe na desidido na umano si Estrada na magbitiw sa tungkulin ngayong kapaskuhan para bigyang-daan ang kahilingan ng taumbayan kasunod ng pagkakasangkot niya sa jueteng scandal na nagbunsod para litisin siya ng Senado sa kasong impeachment.
Nahikayat umano si Estrada ng matatalik niyang kaibigan na magbigay-daan at bumaba sa puwesto bago lumubha ang sitwasyon sa bansa.
Pero sinabi kahapon ni Press Secretary Ricardo Puno na tiniyak ng Pangulo sa sambayanang Pilipino na hindi ito magbibitiw sa puwesto at walang katotohanan ang mga kumalat na text messages at tsismis sa internet hinggil sa plano umano nitong magbitiw.
Ayon kay Puno, sinabi ng Pangulo na hindi sumasagi sa isip nito ang pagbibitiw sa puwesto at determinado ito na tapusin ang paglilitis ng Senado sa kaso niyang impeachment. Sinabi pa ng Pangulo na ang kumalat na tsismis ay maaaring bahagi ng patuloy na disinformation campaign ng mga grupong oposisyon kahit sa panahon ng kapaskuhan.
Pinabulaanan din niya na balak niyang makipagpulong kay Senate President Aquilino Pimentel Jr. hinggil sa paglilitis ng mataas na kapulungan sa kaso niyang impeachment.
Ganap ang kumpiyansa ni Estrada na mananaig din sa dakong huli ang katotohanan at matatapos niya ang kanyang panunungkulan hanggang 2004 alinsunod sa Konstitusyon. (Ulat nina Rose Tamayo at Lilia Tolentino)