Erap at Velarde iisa lang ayon sa Equitable executive

Kinumpirma kahapon ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo sa impeachment court na iisang tao lang sina Pangulong Joseph Estrada at Jose Velarde na nakapirma sa tseke na pinagbilhan ng kontrobersyal na Boracay mansion sa Quezon City na tinirhan ng isa sa mga kalaguyo ng Pangulo.

Sinabi ni Ocampo na siya mismo ang nagdala sa Malacañang ng signature card na pinirmahan ng isang nais magbukas ng bagong account sa kanilang banko at si Pangulong Joseph Estrada mismo ang pumirma sa mga dokumento.

Kabilang sa dokumento ang investment management agreement; debit; credit card, signature card at investment guidelines. Isinulat dito ni Estrada ang pangalang "Jose Velarde."

Sinabi ni Ocampo na hindi siya maaaring magkamali dahil katabi lang niya ang Pangulo nang pirmahan ang mga dokumento kasama sina Atty. Fernando Chua, Atty. Manuel Curato, at dating Chief of Staff Aprodicio Laquian.

Tumagal nang halos tatlong oras ang balitaktakan ng mga senador bago naiharap sa witness stand si Ocampo na boluntaryong nagpakita sa paglilitis ng impeachment court.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Ocampo na nakilala niya si George L. Go sa isang cocktail party sa Anvil Restaurant sa ikalimang palapag ng Equitable building sa Makati City bilang pagsalubong sa pagkakatalaga nito bilang bagong presidente ng banko noong Pebrero 3, 2000.

Kinuwestyon ni Atty. Mario Bautista ng prosecution panel ang pagkakaroon ni Estrada ng P1.2 bilyon sa banko samantalang tatlong korporasyon lang ang pag-aari nito. Pagpapatunay lang anya ito na lumabag ang Pangulo sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sinabi pa ni Ocampo na isang Chua ang ipinakilala sa kanya ni Go kasabay ng pagsasabing may isang kliyente na nais umutang ng P500 milyon para sa isang korporasyon.

Kailangan umanong maibigay ang pera bago magtanghali ng Pebrero 4 dahil isang malapit kay William Gatchalian ang nais umutang.

Bawat tanong ni Bautista kay Ocampo ay tumutugon naman ng pagtutol ang abogado ni Estrada dahil wala umano itong kinalaman sa anumang nakasaad sa articles of impeachment.

Natagalan ang testimonya ni Ocampo dahil sa teknikalidad at pinagbotohan pa ng mga senador-judge kung dapat siyang payagang humarap sa impeachment court.

Ilan sa mga senador ang nagsabing kailangang iharap si Ocampo dahil na rin sa seguridad sa buhay nito.

Inamin ni Chief Prosecutor Feliciano Belmonte na nahihirapan sila sa sitwasyon ng seguridad ni Ocampo matapos itong lumitaw sa impeachment court. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments