Ibinunyag nito na umaabot sa halagang P77 milyong piso ang nakalagak sa kanyang sangay na isa sa malaking pera na nakadeposito dito.
Nagbukas ng bank account si Ricaforte noong Nobyembre 22,1999 na may initial deposit na P500,000 at nagpakilala na ito ay isang negosyante ng import/export at real estate.
Sa nasabing sangay ay umaabot ng pitong account ang binuksan ni Ricaforte at pawang mga cash at tseke ang idenideposito dito.
Matapos ang pagbubukas ng account ay nagkasunod-sunod na ito kaya nakiusap si Ricaforte na isama na ito sa kanyang unang account na kung tawagin ay combo account .
Nagdeposito rin si Ricaforte ng dalawang tseke na galing kay William Gatchalian at perang nasa plastic bag na unang winidraw sa Philippine National Bank.
Dito nagtanong si Bautista kung bakit napakaraming pera itong idenedeposito at tanging isinagot sa kanya ay nais lang nitong isalin ang lahat ng kanyang account sa ibat-ibang sangay ng kanilang bangko.
Humarap din ang iba pang mga branch manager na sina Shakira Yu ng Pedro Gil; Vergel Pabillon ng T.M. Kalaw at Edgardo Alcaraz ng Quezon branch.
Sinabi ni Ricaforte kina Yu at Pabillon na siya ay konektado sa Fil-East Travel and Tours sa Manila Midtown Hotel samantalang prawn farm naman ang sinabi nitong negosyo kay Alcaraz.
Ayon naman sa prosecution panel mapapansin na pawang panloloko ang sinabi ni Ricaforte dahil sa ibat-iba nitong negosyo.
Sa pag-upo ni Ricaforte sa witness stand sinabi nito hindi siya nagbukas ng bank account sa Scout Tobias branch at totoo na siya ay nasa real estate at fishpond business.
Samantala nagalit naman si Presiding Officer Chief Justice Hilario Davide kay Prosecutor Oscar Moreno nang akusahan nito na tampered ang sealed envelope na kinalalagyan ng Jose Velarde account.
Sinabi ni Davide na hindi dapat nagsasalita si Moreno ng hindi muna sumasangguni sa impeachment court bago magpahayag sa mga mamamahayag. (Ulat nina Doris Franche at Rose Tamayo)